Tuesday, February 10, 2026

POPULATION AT MANAGEMENT PROGRAMS SA DAGUPAN CITY, PINALAKAS SA KARAGDAGANG BARANGAY POPULATION WORKER

Pinalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang pagpapatupad ng population at management programs sa pamamagitan ng pagdaragdag ng 70 Barangay Population Workers (BPW) na pormal nang lumagda sa kanilang kontrata upang magsilbing katuwang ng lungsod sa antas ng barangay.

Ayon sa lungsod, inaasahang makatutulong ang mga BPW sa mas episyenteng pagpapatupad ng mga programang may kinalaman sa population development, family welfare, at community-based interventions.

Kaugnay ng paggunita sa ika-30 National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse and Exploitation, tinalakay rin sa aktibidad ang papel ng mga BPW sa pagtataguyod ng mas ligtas na pamayanan, partikular sa pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng mga kabataan.

Sa koordinasyon ng City Population and Development Office, binigyang-diin ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng mga BPW sa pagbabantay, pagbibigay-kaalaman, at pagtugon sa mga isyung may kinalaman sa kaligtasan at kapakanan ng mga bata sa kani-kanilang barangay.

Layunin ng lungsod na sa pamamagitan ng mas pinalakas na hanay ng Barangay Population Workers ay mas mapalawak ang abot ng mga programang panlipunan at masiguro ang proteksyon at maayos na kalagayan ng bawat pamilya, lalo na ng mga kabataan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments