Kumpiyansa ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na makakamit ang population protection sa kalakhang Maynila bago mag-Pasko.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na kung susumahin sa ngayon ay mayroon nang humigit 3 milyon ang nabakunahan ng 1st dose sa NCR habang ang mga fully vaccinated ay nasa higit 1 milyon na.
Sinabi pa ni Abalos na dahil parami na nang parami ang suplay ng bakuna at kung makakapagbakuna ng halos 200,000 indibidwal sa kada araw sa Metro Manila sa loob ng tatlong buwan ay papalo na sa halos 10 milyon ang bakunado, isama pa ang higit 4 milyon na kasalukuyang mga bakunado na ay papalo sa halos 14 milyong mga residente sa Metro Manila ang bakunado sa pagtatapos ng buwan ng Setyembre.
Kasunod nito, hinihikayat ni Abalos ang publiko na magpabakuna na upang magkaroon ng proteksyon laban sa COVID-19.