Manila, Philippines – Hinikayat ng Malacañang si Senator Panfilo Lacson na huwag munang pangunahan si Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang veto power nito para tanggalin ang umano’y pork barrel fund na nakasingit sa P3.757 trillion na 2019 national budget.
Sabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea, mas mabuting huwag munang ipre-empt o pangunahan ang Pangulo sa kung ano ang dapat gawin sa pambansang pondo.
Sa twitter post kasi ni Lacson, sinabi nito na dapat na i-veto ng Pangulo ang pork insertion sa budget.
Ayon kay Lacson, aabot sa P3.3 billion ang pork barrel funds na isiningit ng isa o higit pang senador para sa isang probinsya lamang.
Ang naturang insertion ay bahagi aniya ng P23 billion na nakasingit na pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa ngayon, nasa bicameral conference committee pa ang deliberasyon sa pambansang pondo.