Manila, Philippines – Inaasahan na umano ni dating Senator Ramon Revilla Jr., na i-a-abswelto siya ng Sandiganbayan 1st Division sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam case.
Mariing sinabi ni Revilla na wala naman talaga siyang kasalanan kaya inaasahan niyang acquitted ang magiging hatol sa kanya ng Sandiganbayan.
Nagpasalamat din si Revilla sa kanyang mga kababayan at taga-suporta na pumunta pa sa Sandiganbayan para personal na magbigay ng moral support sa dating Senador.
Samantala, matapos ang acquittal ni Revilla ay agad din itong bumyahe pabalik ng Camp Crame para sa kanyang paglaya ngayong araw matapos na makapagbayad ng pyansa sa 16 counts of graft kaugnay pa rin sa pork barrel scam.
Ang iba pang akusado sa pork barrel scam case na sina Atty. Richard Cambe, dating aide ni Revilla at pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles ay balik kulungan matapos na hatulang ‘guilty beyond reasonable doubt’ at nahaharap pa sa habambuhay na pagkakakulong.
Ang mga hukom na bumoto ng acquittal para kay Revilla ay sina Justices Geraldine Faith Econg, Edgardo Caldona at Georgina Dumpit-Hidalgo.
Habang ang mga bumoto naman ng guilty verdict kina Cambe at Napoles ay sina Justices Efren De La Cruz at Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta.