Pork holiday, ikakasa ng mga retailers dahil sa mababang price ceiling

Nakatakdang magkasa ngayong araw ang ilang retailers ng pork holiday.

Ito ay kasabay ng pagpapatupad ng pamahalaan ng price ceiling sa food commodities ngayong araw.

Ayon kay Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Steven Cua, may ilan sa kanilang miyembro ang hindi magbebenta ng pork at chicken products dahil sa mababang price ceiling.


“Hindi logical for us to carry pork or chicken because you know, we cannot make anything, any profit out of it. We will not carry but not as an opposition to the government directive of a price freeze,” sabi ni Cua.

Pagtitiyak naman ni Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista, darating na ang mga supplies mula sa ibang bahagi ng bansa na makakatulong na mapababa ang presyo ng commodities.

“Meron na rin pong mga biyahero at mga hog raisers na nakikipagtulungan sa amin para po ang ating mga tindera ay makasunod sa presyo. Sa ating mga tindera, hindi pa po nakakarating sa inyo ang murang baboy. Tutulungan namin kayo,” ani Evangelista.

Sa ilalim ng Executive Order 124 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang price cap sa kasim at pigue ay 270 pesos kada kilo, at 160 pesos sa dressed chicken.

Ang price ceiling ay ipinanukala ng Department of Agriculture (DA) sa harap ng pagtaas ng presyo ng baboy at manok bunga ng African Swine Fever (ASF) outbreak.

Facebook Comments