Pork-like allocations sa ilalim ng 2021 budget, ipinalalaan na lamang sa COVID-19 response ng pamahalaan

Ipinalilipat ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa paglaban sa COVID-19 ang umano’y ‘pork allocations’ sa ilalim ng 2021 National Expenditure Program (NEP).

Giit ni Zarate, ang mga pinagtatalunan ng mga kongresista na hindi patas na alokasyon sa ilang mga proyekto sa ilalim ng pambansang budget, ang ₱4.5 billion na confidential at intelligence funds ng Office of the President at ang ₱19.1 billion budget ng NTF-ELCAC na naka-park sa iba’t ibang ahensya ay malinaw na indikasyon na buhay na buhay pa rin ang pork barrel sa pamahalaan.

Iminungkahi ni Zarate sa Kongreso na i-realign na lamang ang mga pork allocations para sa COVID-19 response upang maayudahan ang mga mahihirap na Pilipinong nawalan ng hanapbuhay sa gitna ng pandemya at matulungan ang mga estudyante na makapag-aral nang maayos sa ilalim ng ipapatupad na blended learning.


Nagbabala ang kongresista na dahil sa hindi pantay-pantay na distribusyon ng mga pondo partikular sa infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga distrito ay magiging sanhi pa ito ng pagkadiskaril sa pag-apruba ng pambansang pondo sa 2021.

Itinuturo pa ng mambabatas na dahil sa mala-pork barrel na alokasyon na ito ay maraming pondo sa ilalim ng social services ang natapyasan tulad sa mga pampublikong ospital, eskwelahan at maging social pension na natatanggap ng mga Pilipino.

Facebook Comments