Pormal na Klase ng Cauayan City South Central School Ngayong Araw, Naantala dahil sa Iniwang Pinsala ng Bagyong Rosita!

*Cauayan City, Isabela-* ‘Brigada Eskwela’ ang unang bumungad at isinagawa ng South Central School ng Cauayan City sa kabila ng pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral ngayong araw matapos ang kanilang semestral break.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Dr. Liwliwa Calpo, Principal ng South Central School, naging abala sa paglilinis ngayong araw ang mga guro, at studyante maging ang iba pang mga magulang dahil sa matinding pinsala na iniwan ng nagdaang bagyong Rosita.

Ayon kay Dr Calpo, bukod sa mga natuklap na bubong ng mga classrooms, mga nabasag na bintana at mga natumbang puno ay problema din aniya ang kanilang kawalan ng kuryente na kanya namang naidulog sa pamunuan ng ISELCO I.


Sa ngayon ay hindi pa masabi ng Principal kung kailan ang pormal na klase ng mga mag-aaral dahil na rin sa dami ng napinsala ng bagyong Rosita.

Hiniling naman ng Principal ang tulong at kooperasyon ng mga magulang upang mapabilis ang paglilinis at pagsasaayos sa mga nasira ng naturang bagyo.

Facebook Comments