Nilinaw ng Department of Health (DOH) na pasok sa ibinigay ng threshold ng World Health Organization (WHO) ang porsyento ng nasasayang na bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na nasa less than 10% ang COVID-19 vaccine wastage sa bansa na siyang pasok sa itinakdang panuntunan ng WHO na hindi dapat lalagpas sa 10% ang nasasayang na bakuna.
Mababatid na naghain ng resolusyon si Senator Risa Hontiveros upang imbestigahan ng Senado ang malawakang pagkasayang ng COVID-19 vaccine sa bansa.
Handa naman ang DOH na humarap at sumagot sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa tinatayang 5 hanggang 13 bilyong pisong halaga ng bakuna na hindi nagamit at na-expire na lamang na binili ng gobyerno.
Ani Vergeire, sasagutin nila ito sa tamang forum upang makapagbigay ng eksaktong numero dahil patuloy ang ginagawang imbentaryo ng kagwaran araw-araw.