CAUAYAN CITY- Bagama’t bakas pa rin ang pinsalang iniwan ni Bagyong Nika ay nagsisimula na muling maghanda ang hanay ng Public Order and Safety Division Cauayan sa posibleng paghagupit ni Bagyong Ofel sa lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng IFM News Team kay POSD Chief Pilarito Mallillin, kabilang sa kanilang isinasagawang paghahanda ay ang pagtatalaga ng mga tauhan ng POSD Cauayan sa mga lugar na kinakailangang respondehan.
Aniya, bukas naman ang hotline ng kanilang hanay para sa mga residenteng nangangailangan ng tulong na nagmula pa sa malalayong barangay sa Lungsod ng Cauayan lalung-lalo na ang mga indibidwal na kinakailangan ng atensiyong medikal.
Dagdag pa niya, nakahanda rin ang mga disaster equipments ng Department of Health katulad ng mga ambulansya.
Kaugnay nito, apatnapu’t dalawang tauhan naman ng POSD Cauayan ang itinalaga noong Bagyong Nika kung saan puspusan pa rin ang ginagawang assessment sa mga tulay at barangay.
Samantala, pinag-iingat naman ni POSD Chief Mallillin ang mga residente ng Cauayan na muling maghanda sa posibleng epekto ni Bagyong Ofel sa Lungsod ng Cauayan.