POSD Member at Isa pa, Patay sa Drug Buybust Operation!

*Cauayan City, Isabela- *Patay ang dalawang tulak ng droga na kabilang sa listahan ng PDEA matapos manlaban sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga otoridad bandang 11:55 kagabi sa Brgy. Bacareno, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang mga nasawing suspek na sina  Michael Angelo Felipe alyas “Butch” na miyembro ng POSD Cauayan City at nagngangalang Eduardo Barroga alyas Junior na residente ng Zipagan St. District 1, Cauayan City, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan, nagsagawa ang kanilang hanay ng buybust operation sa nasabing lugar kung saan natunugan ng mga suspek na pulis ang kanilang ka-transakyon kaya’t agad na bumunot ng baril hanggang sa magpalitan ng putok ng baril na nagresulta sa kanilang pagkamatay.


Wala naman umanong nasugatan sa hanay ng pulisya.

Narekober sa mga suspek ang 2 kalibre ng 38 na baril, mga bala, limang sachet ng pinaniniwalaang shabu at ang 1,000.00 na marked money at isang motorsiklo at cellphone na hinihinalang ginagamit sa iligal na transakyon.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad at inaalam pa ng pulisya kung may mga kasama pa ang mga ito sa pagbebenta ng iligal na droga.

Facebook Comments