Mas palalakasin pa ng lokal na pamahalaan ng Pasig ang sistema ng edukasyon sa lungsod.
Kahapon, isinagawa ang kauna-unahang official meeting ni Mayor Vico Sotto sa DepEd Pasig Division Principals at Supervisors.
Ayon kay Sotto, tinalakay sa pulong ang “3 Cs” na nais nyang maging sentro ng kanyang trabaho sa mga susunod na 3 taon.
Una rito ang ‘change’ kung saan target niyang magkaroon ng mas aktibong Local School Board at Governing Councils sa lahat ng mga paaralan para makilahok sa pagbuo ng mga polisiya.
‘Continuity’ o pagpapatuloy ng mga magagandang proyekto ng nakalipas na administrasyon tulad ng pagtatayo ng dagdag na imprastraktura.
At ‘consultation’ kung saan sinabi ni Sotto na bago matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante ay dapat itong dumaan sa tamang proseso.
Aniya, noong nakalipas na administrasyon, nagagarantiyahan ang budget ng isang paaralan base sa kagustuhan ng mayor, bagay na gusto niyang baguhin dahil pwede itong magresulta ng patronage politics.