Hindi isinasantabi ng mga experto ang posibilidad na nakapasok na sa bansa ang presensya ng bagong variant ng COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila kay dating National Task Force on COVID-19 Special Adviser Dr. Anthony Leachon, sinabi nito na dalawa ang posibilidad kung paano nagpositibo sa United Kingdom new variant ang Pinay domestic worker na mula sa Cagayan.
Paliwanag ni Leachon, maaaring sa eroplano papuntang Hong Kong nakuha ng naturang Pinay ang bagong variant dahil nagnegatibo naman ito sa RT-PCR test bago umalis ng bansa.
Maaari rin aniyang dispalyado ang isinagawang COVID-19 testing sa Pinay kaya hindi na-detect agad at posibleng nakuha niya habang nasa Metro Manila.
Bunsod nito, isang mahigpit at matinding contact tracing aniya ang dapat ikasa ng gobyerno upang malaman kung nakapasok na o hindi pa ang UK COVID-19 variant at makagawa ng nararapat na hakbang.
Nagpaalala rin si Leachon sa publiko na triplehin ang pag-iingat ngayon lalo na’t posibleng humawa na ang new variant sa lumang strain ng COVID-19 at magdulot ng surge sa Metro Manila.
Kapag nangyari aniya ito, muling ipapatupad ng pamahalaan ang total lockdown na ginawa noong March 2020.
Sa ngayon ay mahigpit na binabantayan ng mga experto ang ilalabas na updated cases sa Metro Manila sa January 15 kung saan malalaman kung nagkaroon ba ng surge o hindi ng COVID-19.