Posibleng dagdag na ₱6 sa presyo ng bigas, pinaghahandaan na ng DA

Pinaghahandaan na ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng pagtaas ng presyo ng imported na bigas.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na nag-ugat ito sa plano ng Thailand at Vietnam na magtataas sila ng presyo sa mga ini-export nilang bigas.

Nabatid na ₱6 kada kilo ang posibleng itaas sa presyo ng imported na bigas.


Ayon kay Dar, isang paraan para matugunan ito ay dapat palawakin ang paghahanap ng source ng bigas, ibig sabihin, maghanap ng ibang mapagkukuhanan tulad sa India at iba pang mga bansa upang magkaroon ng kumpetisyon at hindi lang tayo aasa sa Thailand at Vietnam.

Ani Dar, kinakailangan ding dagdagan ang local rice production at gumamit ng mga lokal na biofertilizers.

Sa ngayon aniya ay nasa 92% na ang antas ng rice production natin at kailangan na lamang ng 8% para maging ganap na rice self-sufficient ang Pilipinas.

Facebook Comments