POSIBLENG EPEKTO NG BAGYONG BETTY, PINAGHAHANDAAN PA RIN NG LGU CAUAYAN

CAUAYAN CITY – Bagaman maaliwalas na ang panahon at wala nang makikitang badya sa mga kaulapan, ay patuloy pa rin ang isinasagawang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Cauayan sa posibleng epekto ng bagyong Betty.
Naka-deploy pa rin ang ilang mga kawani ng Public Order and Safety Division gayundin ang PNP Cauayan sa ilang mabababang lugar sa syudad upang magbantay sa posibleng pagtaas ng tubig kung sakali mang magkaroon ng tuluy-tuloy na pag-ulan.
Nakamonitor naman ang City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) sa animnapu’t limang Barangay ng syudad upang tiyakin ang kahandaan ng bawat mamamayan.

Mayroon na ring nakahandang evacuation centers sa mga barangay na siyang maaaring gamitin ng mga residenteng kinakailangang lumikas.
Naka-pre-positioned na rin ang mga food boxes na mula sa City Social Welfare and Development na siyang ipapamahagi naman sa mga residenteng maapektuhan ng bagyo.
Kaugnay nito, patuloy namang pinag-iingat ng mga otoridad ang lahat ng Cauayeño ngayong panahon ng sakuna at emergency.
Pinapayuhan din ang lahat na sumangguni sa RESCUE 922 para sa agarang tulong.
Samantala, wala pang inilalabas na anunsyo ang lokal na pamahalaan ng lungsod ukol sa  suspensyon ng pasok sa mga manggagawa at estudyante sa lahat ng antas mapa pribado o publiko.
Facebook Comments