Posibleng kaso ng human trafficking ng mga foreign national sa NAIA, sisilipin ng Blue Ribbon Committee

Iimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang isiniwalat kagabi ni Senator Grace Poe na posibleng kaso ng human trafficking o human smuggling ng mga dayuhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) palabas ng bansa.

Inatasan ang Blue Ribbon na pangunahan ang pagsisiyasat para alamin ang posibleng katiwalian at sabwatan ng mga airport official, security at ng Bureau of Immigration (BI) na nakatalaga sa paliparan.

Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kailangan masilip ito dahil posibleng may criminal records ang mga dayuhang idinaan sa NAIA palabas ng bansa.


Nais din ipasuri ni Poe ang lokal na kompanya na Globan na nagsilbing aircraft ground handler at siyang nagpuslit ng mga tao na walang dokumento palabas ng bansa.

Napuna kasi ni Senator Risa Hontiveros na ang Globan na tinukoy ni Poe sa kanyang privileged speech ay siya ring kumpanya na nagtangkang ipuslit sina Pharmally Executives Mohit at Twinkle Dargani palabas ng bansa noong kasagsagan ng imbestigasyon ng Senado ukol sa maanomalyang pagbili ng gobyerno ng mga PPE.

Hiningi ni Poe ang imbestigasyon ng Senado sa posibleng human trafficking at banta sa national security na nagaganap sa NAIA.

Facebook Comments