Nasa 32 hinihinalang miyembro ng private armed groups ang naaresto sa Laguna, ilang araw bago ang halalan sa Lunes, Mayo 9.
Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Commissioner George Garcia, inaalam pa sa ngayon kung may kinalaman sa eleksyon ang mga aktibidad ng mga naaresto.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police na mga dating miyembro ng Armed Forces of the Philippines at mga reservist ang mga naaresto.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na inaalam na rin nila ang posibleng koneksyon ng mga ito sa sinumang lokal na kandidato sa Laguna.
“D’yan po sa Laguna, sa may Biñan, d’yan po sila tinitingnan ngayon, yung kanilang koneksyon sa ibang tumatakbong kandidato po d’yan,” ani Fajardo.
“May mga nakarating pong report sa ating kapulisan doon sa lokal na yun at yun po ay nagbunsod para sila ay i-check, at yun nga po, nakita nga po yung kanilang grupo doon and they were accosted, questioned and [it] turned out na wala nga po silang kaukulang authority from the Comelec to render ika na, protective security kaya sila ay inimbitahan at yun nga po on going ang investigation ngayon,” dagdag niya.
Dagdag ni Fajardo, kung mapatunayan na wala silang kaukulang certificate of authority o exemption mula sa Comelec para makapagbitbit ng baril ay ituturing silang private armed group.