Manila, Philippines – Ipapatawag muli ng senado si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon para sa pagdinig ng umano’y kurapsyon sa ahensya.
Si Faeldon, na kasalukuyang Deputy Administrator for Operations ng Office of Civil Defense ay nakakulong sa senado mula pa noong Setyembre dahil sa pagtangging dumalo sa imbestigasyon ng komite sa P6.4 billion shabu smuggling mula China.
Ayon kay Atty. Jose Diño, pinadalhan ng subpoena ng Senate Blue Ribbon Committee si Faeldon para dumalo sa hearing sa Lunes (January 29).
Pero kahit pa may subpoena, malamang na hindi umano ito dumalo sa hearing.
Dagdag pa ni Diño, sumulat na si Faeldon kay Senator Richard Gordon na siyang Chairman ng komite kung saan handa niyang sagutin ang mga tanong ng panel sa pamamagitan ng notarized affidavit.
Sinabi naman ni Senator Tito Sotto na posibleng ma-release si Faeldon basta pupunta lang ito sa huling pagdinig ng senado.