Nananatili pa ring mataas ang aktibidad na ipinapakita ng Bulkang Taal.
Sa nakalipas na 24 oras, aabot sa 268 volcanic earthquakes ang naitala sa bulkan.
Kabilang rito ang 243 volcanic tremors na tumagal ng isa hanggang walong minuto at 25 low frequency volcanic earthquakes.
May mahihinang pagsingaw rin na umaabot ng limang metro mula sa main crater.
Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, karamihan sa mga paglindol ay nasa ilalim ng bulkan na may lalim na hanggang 2 kilometro at ito ay dulot ng pagkilos ng magma at gas at pagkulo ng tubig.
Sa kabila ng mas mataas na aktibidad na ipinapakita ngayon ng Taal Volcano, sinabi ni Solidum na mananatili pa rin sa Alert Level 2 ang bulkan.
“Pag tuloy-tuloy, walang pahinga ibig sabihin, tuloy-tuloy ang pag-akyat ng magma sa ibabaw at mas magiging mabilis po ang pag-increase ng alert level. Pero pag ganito po na pausad-usad, hindi naman pwedeng itaas mo kaagad yan na hindi naman tutuloy at sa panahon ng COVID-19, baka ‘pag nag-evacuate nang unnecessarily ay magkaroon ng surge sa COVID-19,” ani Solidum sa interview ng RMN Manila.
Muli namang nagpaalala si Solidum sa publiko na iwasang lumapit o manatali sa isla o sa shoreline ng Taal Volcano Island dahil sa posibleng pagkakaroon ng magmatic eruption na delikado sa mga tao.
“Babantayan natin kung may re-supply ng magma sa mas mababaw na parte, yun po yung talagang nakikita natin na posibleng bumilis ang mga pangyayari. Ang importante ay kailangang pag-ingatan ang Taal, walang tao sa volcano island o di kaya’y lumalapit dito… at walang occupancy,” paalala ng opisyal.