Sisilipin ng Department of Health (DOH) kung posibleng paikliin na muli sa tatlong araw ang quarantine period sa mga Returning Overseas Filipinos (ROF) na negatibo sa COVID-19.
Ito ay matapos na i-require ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga ROF na darating mula sa mga bansang hindi kasama sa red list na mag-quarantine sa loob ng limang araw dahil sa posibleng banta ng Omicron COVID-19 variant.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, naghihintay pa sila sa ngayon ng mga karagdagang impormasyon at datos tungkol sa Omicron variant para malaman kung babaguhin nila ang quarantine period.
Sinabi pa ng kalihim na wala pa namang naiitalang nasawi dahil sa Omicron at mababa lamang ang tyansang ma-ospital ang mga positibo sa nasabing variant lalo na ang mga bakunado.