Cauayan City – Mahigpit na binabantayan ng Provincial Health Office (PHO) ng Cagayan ang posibilidad ng paglitaw ng sakit na Melioidosis sa lalawigan.
Ayon kay Dr. Rebecca Battung, Provincial Health Officer, sa isinagawang Provincial Peace and Order Council Meeting, itinuturing ang Melioidosis bilang isang emerging o re-emerging disease sa Cagayan.
Ang Melioidosis ay isang sakit na dulot ng bacterium na Burkholderia pseudomallei, na karaniwang matatagpuan sa lupa kung saan, posible itong makaapekto sa tao at ilang hayop tulad ng tupa, baboy, pusa, at aso.
Ang naturang bakterya sa lupa ay maaaring dahil nasa bagyo at mabilis itong kumakalat kapag mayroong malakas na hangin.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng PHO ang isang suspected case matapos magpakita ng mga sintomas ng nabanggit na sakit.
Ilan sa mga sintomas ng nabanggit na sakit ay ang lagnat, pananakit ng ulo, pamamaga, pagkakaroon ng ulcer, pananakit ng dibdib, ubo, hemoptysis, at pamamaga ng lymph nodes.