Posibleng paglaya ni ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez, kinondena ng publiko

File photo

Inuulan ngayon ng batikos mula sa sambayanan ang napipintong paglaya ng convicted murderer at rapist na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.

Nitong Martes, inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na posibleng makalabas ng selda si Sanchez sa mga susunod na buwan dahil sa magandang ugaling ipinakita nito habang nakakulong.

Sa ilalim ng Republic Act 10592 na pinirmahan ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong 2013, mababawasan ang panahon ng pagkakabilanggo ng isang preso kapag naging mabuti sa loob.


Paglilinaw ng kalihim, nagkataon lamang na kabilang si Sanchez sa 11,000 bilanggo na makikinabang sa pagpapatupad ng naturang batas.

Sa kabila ng pagpapaliwanag, hindi pa rin sang-ayon ang karamihan sa kahihinatnan ng kaso ni Sanchez.

Panawagan ni Twitter user @HeyIkonic, pumirma sa petisyong “stop the release of Mayor Antonio Sanchez; let him serve his seven life sentences” hanggang makarating sa kataas-taasang opisyal ng gobyerno.

Ayon naman kay Idle Faerie, makakalaya ang dating alkalde dahil sa “corrupt justice system”.

Samantala, binalikan ni Ronald Mendoza, dean ng Ateneo School of Government, ang sinapit ng mga biktima sa kamay ng kampo ni Sanchez na nakasaad sa mga court document.

Sabi ni Leo Carlo Panlilio, nananatili pa rin “unrepentant” at “unremorseful” si Sanchez sa isinigawang krimen noong dekada ’90.

Taong 1995, hinatulan si Sanchez ng habambuhay na pagkakakulong kaugnay sa panggagahasa at pagpatay sa dalawang estudyante ng University of the Philippines – Los Banos na si Mary Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993.

Facebook Comments