Posibleng pagpapatigil sa ‘Oplan Tokhang’ ni Robredo, okay lang sa Palasyo

Manila, Philippines – Bukas ang Malacañang sa posibleng pagbabasura ng kontrobersyal na ‘Oplan Tokhang’ ng administrasyon.

Kasunod ito ng mungkahi ni Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs co-chairperson Vice President Leni Robredo na magtatag ng bagong anti-drug campaign kapalit ng ‘Oplan tokhang.’

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, nakahanda ang Malakanyang na ibigay ang anumang hinahangad ng pangalawang pangulo.


Kung sa palagay nito ay may mas epektibong paraan sa pagsugpo ng kalakalan ng iligal na droga sa bansa bukod sa ‘Oplan Tokhang’ ay hindi ito pipigilan ng Palasyo.

Kaugnay nito ay muling iginiit ng tagapagsalita na bigyan ng pagkakataon si VP Robredo sa sarili nitong diskarte bilang anti-drug czar.

Kasunod ng pagtanggap sa posisyon bilang co-chairperson ng ICAD, ang pangalawang pangulo na ngayon ang in-charge sa lahat ng aktibidad o hakbang na may kaugnayan sa war on drugs.

Kasabay nito ay nilinaw ni Panelo na sinabi na mismo ni Pangulong Duterte na siya ang mag-iimbita kay VP Robredo para sa isang meeting o pagpupulong.

Facebook Comments