Ikinatuwa ng mga transport group ang anunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na posibleng payagan na silang mamasada bago ang katapusan ng Hunyo.
Nauna nang sinabi ni Transportation Consultant Alberto Suansing na isinasapinal na nila ang mga guidelines para payagan na ang pagbabalik-kalsada ng mga tsuper ng jeepney at UV Express.
Ayon kay Suansing, kailangan lamang nilang plantsahin ang mga ipatutupad na mandato bago payagang makapamasada ang mga jeepney.
Nagpasalamat naman si Liga ng Transportasyon at Operators (LTOP) President Ka Lando Marquez kay DOTr Secretary Arturo Tugade dahil pinakinggan ang inihain nilang position paper na nagrerekomenda ng mga sistema kung paano gagawing ligtas sa COVID-19 ang pagpasada ng mga pampasaherong jeep.
Kabilang sa mga rekomendasyong inilatag ng LTOP ay ang sistema sa social distancing at contact tracing.
Nakapaloob din dito ang pagpapatupad ng loading at dispatching area upang maiwasan ang pagbababa kung saan-saan ng mga pasahero.