Posibleng pagpunta nila Atty. Mans Carpio at Vice Mayor Paolo Duterte sa Senado, hindi pakikialaman ng Malacañang

Manila, Philippines – Hindi manghihimasok ang Palasyo ng Malacañang sa usapin ng pagimbita ni Senador Richard Gordon kina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manases Carpio, asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte, sa imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee sa katiwalian sa Bureau of Customs.

Nabatid kasi na sinabi ni Senador Gordon na inimbitahan niya sa pagdinig ng kanyang komite sa darating na September 7, ang magbayaw para makuha ang kanilang pahayag kaugnay sa isyu.

Ayon kay Presidential Spokesman Ernsto Abella, prerogatibo naman o desisyon naman ng dalawa kung sila ay dadalo sa pagdinig o hindi pero kung pumayag na aniya sina Duterte at Carpio ay hindi na nila ito panghihimasukan.


Matatandaan na sinabi ni Pangulong Duterte na kung dadalo nga ang kanyang anak at manugang ay huwag nalang magsalita ang mga ito o iinvoke ang right against self-incrimination.

Facebook Comments