Posibleng Pagtaas ng Kaso ng Dengue sa Cagayan, Pinangangambahan!

*Cagayan- *Nangangamba ngayon si Dr. Carlos Cortina III, Provincial Health Officer ng Cagayan na lalo pang tataas ang kaso ng dengue ngayong papasok na buwan ng Agosto at Setyembre.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, sinabi ni Dr. Cortina III na mas malaki umano ang tsansa ng pagkakaroon ng sakit na dengue sa mga buwan na nabanggit kaya’t nagsasagawa na ang kanilang tanggapan ng mga kaukulang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng dengue.

Tututukan anya nila ang mga bata na may edad isa hanggang sampung taong gulang na kadalasang biktima ng sakit na dengue.


Sinusundan aniya ito ng mga batang nasa edad labing isa hanggang dalawampung taong gulang.

Batay sa pag-aaral, karaniwang nakukuha ang naturang sakit sa mga eskwelahan kaya’t ilan na sa mga ito ay ibinababad na ang kanilang mga kurtina sa insecticide bilang pangontra sa mga lamok.

Samantala, nakapagtala na ng 310 na kaso ng dengue sa Lungsod ng Tuguegarao na ikinasawi ng apat na pasyente.

Naitala na ang bayan ng Aparri sa buong Lalawigan ang may pinakamataas na naitalang kaso ng naturang sakit mula noong buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyang buwan ng Hulyo.

Facebook Comments