Posibleng pananagutan ng LGU at mga tauhan ng DENR sa quarry operations sa Guinobatan, Albay, iimbestigahan

Iimbestigahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang posibleng pagkukulang ng mga tauhan nito at ng Local Government Unit (LGU) sa pagmo-monitor ng quarrying operations sa Guinobatan, Albay na hindi rin nakaligtas sa hagupit ng Bagyong Rolly.

Kasunod ito ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DENR at Department of Public Works and Highways (DPWH) na silipin ang reklamo ng mga residente hinggil sa nasabing aktibidad.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DENR Usec. Jonas Leones na bagama’t LGU ang nag-iisyu ng permit ay may tungkulin ang ahensya na magsagawa ng inspeksyon para masigurong sumusunod sila sa environmental laws.


Tiniyak naman ni Leones na sinumang maaakusahang may pananagutan sa insidente ay dadaan sa due process.

“Most of the quarry activities are happening doon na sa upstream, hindi na doon sa baba so talagang nag-a-ano na sila roon sa mga lugar na hindi dapat, so talagang may pagkukulang d’yan,” ani Leones.

“Sa parte namin kasi, lahat ng mga quarry, even the quarry permits are issued by the Local Government Units, ang aming DENR din ay merong karapatan na i-monitor ang mga progress d’yan. So, titingnan din natin kung mayroong pagkukulang ang ating mga kasama sa kagawaran, sa mga Local Government Unit and then tingnan natin pa’no natin palalakasin [polisiya] at hindi na maulit ang ganitong sitwasyon,” dagdag pa ng opisyal.

Matatandaang apat ang namatay habang tatlo ang natabunan ng lahar deposits mula sa Bulkang Mayon na umagos sa tatlong ilog kung saan nag-o-operate ang 11 quarries.

Sinuspinde na ng DENR ang quarrying activities sa lugar.

Facebook Comments