Muling nakapagtala ng karagdagang 45 na positibong kaso ng Coronavirus disease o COVID-19 ang lungsod ng Maynila.
Dahil dito, umaabot na 266 ang mga residente ng na nag-positibo sa COVID-19.
Sa datos ng Manila Health Department, 21 na ang nakarekober at 32 naman ang namatay.
Nasa 466 naman ang naitalang Person Under Investigation (PUI) kung saan ang area pa din ng Sampaloc ang may maraming positbong kaso ng COVID-19 na umaabot sa 67.
Dahil dito, muling umaapela ang lokal na pamahalaan ng Maynila na sumunod sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) na pinalawig pa hanggang april 30 upang hindi na lumaganap pa ang COVID-19.
Samantala, natanggap ng mga residente sa Maynila ang cash assistance na tig-P1, 000.00 kada pamilya bilang bahagi ng Ordinance No. 8625 o ang City Amelioration Crisis Assistance Fund.
Pero may ilang barangay chairman ang hindi sumunod sa ipinag-utos ni mayor isko moreno kung saan sa halip na magbahay-bahay ang mga ito, pinapunta at pinapila nila sa barangay hall ang kanilang mga residente.
Dahil dito, iimbestigahan ng lokal na pamahalaan ang hindi pa pinapangalang chairman at aalamin ang paliwanag nito lalo na’t hindi nito ipinatupad ang physical distancing at tila nagkaroon pa ng mass gathering sa kanilang barangay hall.