Positibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila, nasa 3 na

Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Maynila na nasa tatlo na ang positibong kaso ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa lungsod ng Maynila.

Sa impormasyon mula sa opisina ni Manila Mayor Isko Moreno, mayroong dalawang bagong kaso na nasa magkahiwalay na pagamutan na.

Ayon kay Cesar Chavez, ang Chief of Staff ni Yorme, ang isa sa mga bagong positibong kaso ay isang 23-anyos na babae mula sa Sta. Ana, Maynila na nagta-trabaho sa isang salon sa Greenhills, San Juan na naka-admit ngayon sa Sta. Ana Hospital.


Habang ang isa pang pasyente ay isang 64-anyos na babae mula Sta. Cruz na walang travel history sa ibang bansa na kasalukuyang nasa pribadong ospital sa labas ng lungsod ng Maynila.

Ang unang positibong kaso naman ay mula Sampaloc at naka-admit na sa isang pribadong ospital sa labas din ng Maynila.

Aabot naman sa walo ang Persons Under Investigation o PUIs sa Maynila habang patuloy na minomonitor ang sitwasyon ng mga positibong kaso.

Matatandaan na nauna nang nagdeklara ng State of Calamity ang pamahalaang lungsod ng Maynila dahil sa banta ng COVID-19.

Facebook Comments