Unti-unti nang bumababa ang positivity rate sa National Capital Region (NCR) at sa pangkalahatang bahagi ng bansa.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon, naitala ang pagtaas ng positivity rate nitong nakalipas na holiday season dahil kakaunti lamang ang naisagawang testing.
Pero asahan na aniyang dadami na ulit ang testing sa loob ng linggong ito at sa mga susunod na linggo kaya inaasahang muling bababa ang positivity rate.
Tiniyak din ni Dizon na tuloy-tuloy lamang ang pagpapataas ng testing capacity ng bansa lalo pa at aprubado na ang pooled testing habang inaasahan ding sa mga susunod na araw ay maaaprubahan na rin ang saliva testing.
Ayon kay Dizon, pwede nang gamitin ang pooled testing matapos ilabas ng Department of Health (DOH) ang guidelines para rito.
Sa ilalim ng pooled testing, limang tao ang pwedeng gumamit sa iisang PCR test kit, para mas makatipid.