Postponement ng barangay elections, pinaiimbestigahan ni Senator De Lima

Manila, Philippines – Pinapaimbestigahan ni Senator Leila De Lima sa Senado ang panukala ng administrasyong Duterte na ipagpaliban muli ang Sangguniang Kabataan o SK at Barangay Elections at sa halip ay italaga na lamang ang mga barangay leaders.

Ikinatwiran ni De Lima sa inihain niyang Senate Resolution 339, na ang nabanggit na hakbang ay pag-agaw sa karapatan ng mamamayan na pumili ng nais nilang mamuno sa kanilang komunidad.

Binanggit ni De Lima na noon nakaraang taon ay nauna ng ipinagpaliban ang Barangay at SK elections dahil sa war on drugs na ikinada ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Pinuna din ni De Lima ang katwiran ni Duterte na kaya nito nais na maipagpaliban muli ang barangay elections ay upang mapigilan ang patuloy na tagumpay ng mga barangay candidates na pinopondohan ng mga drug lords.

Giit ni De Lima, walang basehan at kailangang idaan sa malalimang imbestigasyon ng pahayag ni Pangulong Duterte na 40 percent sa mga barangay officials sa bansa ay sangkot sa illegal drug trade.

Target din ng gagawing imbestigasyon na mabatid ang estado ng paghahanda ng Commission on Elections para sa nakatakdang barangay elections sa Oktubre dahil wala pa namang naipapasang batas para ito ay hindi matuloy.
DZXL558

Facebook Comments