Ayon kay Councilor Maximo Jr., hiniling nito sa konseho na ipatupad na ang kanilang ipinasang ordinansa na pagpapataw ng parusa sa mga pasaway na may-ari o namamahala ng babuyan at manukan gaya ng pagbibigay ng unang opensa.
Kasunod ito ng mga reklamo ng ilang mamamayan sa Lungsod ng Cauayan dahil sa mabahong amoy na nanggagaling sa mga babuyan at manukan na umaalingasaw sa kanilang lugar.
Ayon pa sa konsehal, kung ipapatawag muli para sa Committee Hearing ang mga may poultry at piggery farms at hindi rin mabantayan ay posibleng maulit lamang ang kanilang kapabayaan.
Kaugnay nito ay mainam aniya na maimplimenta ang ordinansa para masampolan na ang mga pabayang may-ari at ng hindi rin paulit-ulit ang mga naturang reklamo.
Ayon naman kay Vice Mayor Leoncio “Bong” Dalin Jr., kailangan aniyang matukoy ang mga nagmamay-ari ng piggery at poultry farm dito sa Lungsod para personal na mabisita at mabigyan ng kaukulang aksyon.
Hiniling naman ni Councilor Atty. Paul Mauricio na ipatawag ang Sanidad at BPLO para malaman din ang status ng bawat babuyan at manukan sa Lungsod.
Pinaboran naman ni Councilor Balong Uy ang suhestiyon ni Maximo na dapat bigyan na ng penalty ang mga makitaan ng paglabag lalo na at kalusugan ng mamamayan ang nakasalalay rito.