Ibinabala ni Local Government Committee Vice Chairperson at Makati City Representative Luis Campos na posibleng magresulta sa inflation at pagkaantala sa pagbangon ng ekonomiya ang madalas na power interruption sa Luzon.
Ayon kay Campos, kung mananatili ang unstable power supply sa Luzon grid hanggang Agosto ay magiging dahilan ito ng power rate hike at makakaapekto ito sa mabilis na pagtaas ng presyo ng pagkain gayundin sa mabagal na recovery ng ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
“We are gravely worried that the prospect of red and yellow alerts over the Luzon grid in the weeks ahead might drive up the cost of electricity and put more upward pressure on food prices,” sabi ni Campos.
Ipinunto ng kongresista na ang P9.29 per kilowatt hour na pagtaas sa presyo ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) nang mailagay sa red alert ang Luzon grid noong May 31 hanggang June 2 ay 171% na mas mataas kumpara sa P3.42 per kwh na presyo noong Enero hanggang Abril.
“The cost of P9.29 per kwh was 171 percent higher than the average WESM price of P3.42 per kwh from January to April,” ani Campos.
Pinangangambahan rin ng mambabatas na makakaapekto rin ang problemang ito sa ilang power intensive industries tulad ng food manufacturing at canning.
Iginiit ni Campos na kailangang magawan ng Department of Energy (DOE) ng paraan na maiwasan maulit ang anumang red at yellow alerts sa grid.
Kinukwestyon din ng mambabatas ang ngayon lang na pagaksyon ng DOE matapos ipagutos na ipagliban ang scheduled maintenance work ng mga malalaking coal power plants gayong kalagitnaan pa lang ng Abril ay nagbabala na ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa posibilidad na abutin ng hanggang Agosto ang power shortage sa Luzon.