Pinapatigil ni Senator Risa Hontiveros ang anumang dagdag-singil sa kuryente hangga’t walang klarong paliwanag ang Energy Regulatory Commission o ERC sa mga nangyaring rotational brownouts sa Luzon at ang patuloy na pagtaas sa transmission charge na ipinapasa sa konsyumer.
Giit ito ni Hontiveros kasunod ng anunsyo ng Manila Electric Co. o Meralco na magtataas ito ng singil sa kuryente ngayong Agosto na aabot sa 19-pesos sa bawat kumu-konsumo ng 200-kilowatt hour kada buwan.
Pinaalala rin ni Hontiveros na sa nakalipas na Senate Hearing ay nangako ang ERC at Department of Energy (DOE) na lilinawin ang mataas na ancillary services na ginawang basehan ng Meralco sa taas-singil.
Diin ni Hontiveros, hindi biro ang limang buwang sunud-sunod na taas-singil dahil bawat piso ay mahalaga ngayon lalo pa’t marami na naman ang hindi makapaghanapbuhay dahil sa panibagong lockdown.
Giit ni Hontiveros sa ERC at DOE, huwag magbingi-bingihan at ipatupad ang kanilang regulatory functions para maprotektahan ang mga interes ng mga consumer.