Posibleng abutin pa ng dalawang buwan bago tuluyang maibalik ang supply ng kuryente sa buong isla ng Catanduanes matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Rolly.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesman Mark Timbal, ito ay batay sa ibinigay na timelime ng Department of Enegry (DOE).
Aniya, 24/7 nang nagtatrabaho ang binuong task force ng DOE para lang maibalik ang supply ng kuryente gayundin ang water restoration.
Nag-hire na rin aniya ang gobyerno ng 5,000 manggagawa na tutulong sa mga probinsyang naapektuhan ng bagyo para sa kanilang cleanup efforts.
Patuloy rin aniya ang pagbibigay ng food assistance sa mga residenteng nasa mga evacuation center maging ang mga nakauwi na sa kanilang mga tahanan.
Nabatid na aabot sa P10.5 billion halaga ng imprastraktura at mahigit P5.6 billion halaga ng agrikultura ang nasira ng bagyo sa Bicol Region.