Isang daan libong kabahayan mula sa off-grid communities o malalayong lugar na walang serbisyo ng elektrisidad sa Visayas at Mindanao ang makikinabang sa energization program ng Department of Energy (DOE) at ng European Union (EU).
Sinabi ni Enrico Strampelli ng EU Development Cooperation, sa ginanap na switch-on ceremony sa Digos City, Davao del Sur ang energization ng Sitio New Mabuhay sa Malita at Sitio Mahayag sa Don Marcelino, Davao Occidental, ay bahagi ng EU’s €60 million (P3.6 billion) Access to Sustainable Energy Programme (ASEP) para sa malalayong komunidad sa Pilipinas.
Ang mga mamamayan ng dalawang komunidad ay ilan lamang sa 100,000 households sa Mindanao at Bohol sa Visayas na plano ng EU at pamahalaan na i-energized o pailawan sa pamamagitan ng off-grid technology gamit ang solar power.
Target ng programa na kabitan ng solar home systems, na may 50-watt peak capacity, ang mga tahanan ng recipients.
Sinabi ni DOE Secretary Alfonso Cusi, makatitiyak ang publiko na ang DOE at partner-stakeholders ay patuloy sa pag-explore ng higit pang mga proyekto na makikinabang ang mga mamamayan sa mga malalayong lugar sa pamamagitan ng innovative solutions.