Inilunsad ng Philippine Ports Authority (PPA) ang sariling contact tracing system nito.
Ito’y upang mapanatili ang movement ng mga tao habang ipinapatupad ang pinakamahigpit na health protocols sa gitna ng banta ng COVID-19 pandemic.
Magkatuwang na dinevelop ng PPA in-house information technology experts at ng third-party developer Cosmotech Philippines Inc., ang mobile app na Traze.
May kapabilidad ito na mag- trace ng movement ng mga indibidwal sa loob ng PPA facilities nang hindi na kabilangang kumonekta sa internet.
Ayon kay PPA General Manager Jay Daniel Santiago, lahat ng PPA personnel, port workers, concessionaires at ibang port stakeholders ay minamanduhang i-download at gamitin ang app bago payagang makapasok sa alinmang PPA facilities.
Sinabi pa ni Santiago na ang mga pasahero na walang access sa app ay maaring lumapit sa Port Malasakit Helpdesk upang mai-rehistro sa sistema.
May ibibigay na QR Code na magagamit nila sa alinmang Traze-registered port o PPA establishment.
Para naman sa mga walang mobile electronic devices pero nakapagparehistro, maari nilang gamitin ang printout ng QR Codes kung saan pwede itong mai-scan.