PPA, nilinaw na walang ipinapatupad na dagdag singil sa mga pantalan sa kasagsagan ng ECQ

Nilinaw ng Philippine Ports Authority (PPA) na walang anumang panibago o dagdag-singil sa mga pantalan, sa kasagsagan ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon dahil sa banta ng COVID-19.

Ito ay kasunod ng nangyaring insidente sa Lucena, Quezon, kung saan may isang kumpanya na ini-rason ang ECQ declaration para magpataw ng additional pilot health hazard fee na nagkakahalaga ng PHP60,000 kada trip.

Sa isang pahayag, sinabi ni PPA General Manager Jay Santiago na hindi pwede gawing dahilan ang ECQ upang magpataw ng karagdagang singil tulad ng hazard fee.


Dahil dito, naglabas na si Santiago ng Notice of Prohibition laban sa pagpapataw ng dagdag na port charges and fees.

Wala ring dapat na pagtaas sa singil sa cargo handling, pilotage, terminal at miscellaneous charges.

Inasatan na din ng opisyal ang lahat ng port managers sa buong bansa na bantayan ang “charges and fees” na ipinapataw ng stakeholders sa mga pantalan, lalo na ang mga walang basbas ng pamunuan ng PPA.

Iginiit pa ni Santiago na dapat sundin ang patakaran ng pamahalaan na panatilihin sa kasalukuyang lebel ang presyo ng mga bilihin at mga bayarin habang nasa ECQ ang Luzon at nasa State of Calamity ang buong bansa dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.

Facebook Comments