PPCRV, inaasahan na matatanggap ang Election Returns mula sa overseas voting

Inaasahan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV na makatatanggap na sila ng Election Return o ERs mula sa overseas voting kaugnay sa Eleksyon 2022.

Ayon kay Atty. Vann dela Cruz, ang tagapagsalita ng PPCRV, nakatanggap sila ng komunikasyon mula sa Commission on Elections o COMELEC at sinabing handa na ang mga kopya ng ERs ng overseas voting.

Nitong mga nakalipas na ulat ng PPCRV, wala pang ERs mula sa ibayong dagat na nakararating sa kanilang command center sa University of Santo Tomas (UST).


Ang PPCRV ay nagsasagawa ng “unofficial parallel count” para sa mga kandidato sa national positions, at bilang citizens arm ng COMELEC ay nakukuha ang ika-apat na kopya ng ERs na mula sa vote counting machines o VCMs.

Sa pinakahuling datos ng PPCRV, nasa halos 82,000 na ang ERs na natanggap nila mula sa 107,785 na mga presinto.

Sinabi pa ni Atty. Dela Cruz na nakapag-encode na ang PPCRV ng higit sa 60,000 ERs kung saan higit 59,000 ang nag-match o nagtuma habang mayroon naman 327 na ERs na “for revalidation.”

Facebook Comments