Muling nagpapasalamat ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa volunteers na tumutulong sa kanila sa isinasagawang unofficial parallel count katuwang ang Kapisanan ng Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa University of Sto. Tomas (UST).
Ayon kay Agnes Gervacio, isa sa mga Board Trustee ng PPCRV, patuloy ang pagdagsa ng volunteers para tumulong sa encoding ng election returns sa pagtatapos ng botohan.
Mismong si Myla Villanueva ang chairman ng PPCRV ang sumasalubong at nagbibigay orientation sa mga volunteers.
Maging ang pagbibigay ng suporta tulad ng pagkain na nagmumula sa mga donors ay buong pinasasalamatan ng PPCRV.
Pero paalala ni Gervacio, hindi sila nag-authorized ng sinuman na labas ng kanilang organisasyon para mangolekta o tumanggap ng anumang donasyon o pera mula sa ilang indibidwal o grupo.
Aniya, maaaring makipag-ugnayan ang mga nais magbigay ng anumang klase ng donasyon sa mismong tanggapan ng PPCRV o kaya ay magpadala ng sulat via email sa hello@ppcrv.org para sa iba pang impormasyon.