Prayer Rally, Isinagawa ng mga Nagmamahal kay dating Isabela Board Member Nap Hernandez!

San Mateo, Isabela- Patuloy ang pagdadalamhati at paghingi ng hustisya ng mamamayan sa Bayan ng San Mateo, Isabela kaugnay sa nangyaring pagpatay kay dating Isabela Board Member Napoleon “NAP” Hernandez matapos itong dumalo sa oath taking ceremony ng mga halal na opisyal kasama ang kanyang maybahay sa nasabing bayan.

Kasabay nito, nagsagawa ng Prayer Rally ang daan-daang katao na nagmamahal at sumusuporta sa nasabing opisyal kabilang ang kanyang High School Batchmates 1976.

Sa naging panayam ng 98.5 Ifm Cauayan kay Ginoong Antonio Uao, dating Sangguniang Bayan Member at matalik na kaibigan ng pumanaw na opisyal, paglalarawan nito na isang magandang halimbawa si Nap Hernandez bilang lingkod bayan na walang kahit anong negatibong pagsasalarawan noong ito ay nasa serbisyo pa.


Sa naging mensahe naman ni SB Member Neil Galapon, isang malaking kawalan si dating SP Member Nap Hernandez kung kaya’t ang nangyaring pagpatay sa kanya ay marapat lamang na mabigyan ng hustisya at sama-sama aniya itong ipaglalaban ng mga taong higit na nagmamahal sa kanya.

Si Hernandez ay namuno bilang Liga ng mga Barangay President, Sangguniang Bayan Member sa matagal na panahon at naging Isabela Board Member at kakatalagang Municipal Administrator sa Bayan ng San Mateo.

Makikita din sa buong paligid ng nasabing bayan ang mga nakasabit na itim at pulang tela bilang pakikiramay at pagkamit ng hustisya sa karumal-dumal na pagpatay sa opisyal.

Sa ngayon ay pulitika ang tinitignang anggulo ng Pamilya Hernandez sa pagpatay sa kanilang Padre de Pamilya.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para sa agarang pagdakip sa nasa likod ng pamamasalang kay Nap Hernandez.


Facebook Comments