Prayer rally, isinagawa sa tapat ng COMELEC sa Intramuros, Maynila

Nagkasa ng prayer rally ang ilang grupo kasama ang running priest na si Fr. Robert Reyes sa tapat ng tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Intramuros, Maynila.

Ito’y para ipagdasal ang COMELEC partikular ang mga nakaupo rito na maisagawa ang patas at malinis na 2022 national and local elections.

Ipinagdasal ni Fr. Reyes kasama si Fr. Flavie Villanueva at mga miyembro ng Urban Poor Associates (UPA) ang COMELEC na magabayan, maging ligtas at mailayo sa anumang anomalya tulad ng pandaraya, pagbebenta ng boto, panlilinlang at pagkiling sa mga makapangyarihang kandidato.


Hiling pa ni Fr. Reyes sa kaniyang panalangin na magawa ng commissioners at mga staff nito ang kanilang trabaho lalo na’t sila ang pinaka-importanteng sangay ng pamahalaan ngayong halalan.

Inaasahan din ni Fr. Reyes na mangunguna ang COMELEC na madepensahan at maingatan ng COMELEC ang mga balota at proseso sa gagawing halalan gayundin ang pagbibilang ng boto.

Nanawagan din si Fr. Reyes sa lahat ng Pilipino na ipagdasal ang nalalapit na eleksyon upang magkaroon ng pangulo na siyang tutulong upang maiahon sa kahirapan, korupsyon, karahasan at pansariling interes sa pulitika ang ating bansa.

Facebook Comments