PRC, hindi ihihinto ang pagbabakuna kahit na ECQ

Inihayag ngayon ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman and CEO Senator Richard J. Gordon na magpapatuloy pa rin sa programang pagbabakuna ang PRC kahit pa ipatutupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) ngayong darating na August 6 hanggang 20, 2021.

Ayon kay Senator Gordon, ang 15 araw na lockdown na nakalaan ngayong August ay hindi makahahadlang sa isinasagawa na vaccination program ng Red Cross gaya umano ng sinasabi niya na hindi titigil ang Philippine Red Cross lalong-lalo na sa pagbibigay ng bakuna, hangga’t may supply sila na galing sa gobyerno ay hindi sila hihinto sa mga Bakuna Center ng PRC.

Ibinida ng Philippine Red Cross na nitong katapusan ng Hulyo ngayong taon, nakapagpabakuna na sila ng 67,058 individuals, 63,176 katao ay nabakunahan sa pamamagitan ng PRC Bakuna Centers sa buong bansa habang 3,882 individuals na nabakunahan ng PRC Bakuna Bus.


Bukod dito, ang PRC ay nakapagpabakuna rin ng 1,491 OFWs sa ilalim ng Government Moderna Program Initiative habang 759 na kliyente ang nabakunahan sa ilalim ng PRC Moderna Program.

Dagdag pa ni Gordon na ang PRC ay mayroong tatlong pamamaraan sa pagsuporta ng National COVID-19 vaccine deployment plan, kabilang dito ang pagtatatag ng Bakuna Centers, kung saan sa kasalukuyan ay may 13 at 17 pang karagdagang plano, 2 deployment sa PRC vaccination teams na pangangasiwaan ng LGU- Bakuna Centers, at 3 ipakakalat na mobile vaccine clinics, o tinatawag na Bakuna Buses.

Facebook Comments