PRC, hindi pumayag na gawing hulugan ang pagbabayad ng utang ng PhilHealth

Hindi pumayag si Philippine Red Cross (PRC) Chairman at Senator Richard Gordon sa hirit ng gobyerno na bawasan ang sinisingil nilang utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa media briefing ni Gordon, iginiit nito na dapat bayaran ng buo ng PhilHealth ang halos P1 bilyon na utang nila hinggil sa pagsasagawa ng COVID-19 test sa ilang indibidwal na inire-refer sa kanila.

Sinabi pa ni Gordon na hindi nila alam kung saan nakuha ng Malakanyang ang pahayag na pumayag ang PRC na kalahati muna ang babayaran.


Aniya, kung ganoon ang mangyayari, mas lalong lalaki ang utang ng PhilHealth na siya naman ikinababahala ng PRC.

Muling iginiit ni Gordon na ang PRC ay hindi isang profit-oriented organization at hindi kayang sagutin ang mga ginagawang pagsusuri na nagkakahalaga ng P3,500 kada Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction or RT-PCR test.

Matatandaan na una nang ipinahinto ng PRC ang pagsasagawa ng COVID-19 test, kasabay nito ay nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na babayaran ang pagkakautang ng PhilHealth.

Facebook Comments