Hindi mamamatay ang Philippine Red Cross (PRC) kahit wala itong makuhang suporta mula sa gobyerno.
Ito ang iginiit ni PRC Governor Atty. Lorna Kapunan kasunod ng banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ititigil ng pamahalaan ang pakikipagtransaksyon sa PRC kung hindi ito papayag na sumailalim sa state audit.
Paglilinaw ni Kapunan, galing sa private organizations, volunteers at national societies ang malaking bulto ng kanilang pondo at hindi gobyerno ang nagpapatakbo sa PRC kaya hindi ito maaaring silipin ng Commission on Audit (COA).
“Ang Philippine Red Cross ay impartial, neutral, universal, humanitarian, hindi po tayo political ‘no,” ani Kapunan.
“Wala namang impact yan sa Philippine Red Cross. Ang bulk ng pondo ng Red Cross ay galing sa mga private donations, volunteers natin at national societies sa ibang bansa kasi sa federation ng Red Cross at Red Crescents, mag 190 countries yan, tuwing may kailangan ang PRC, binibigyan tayo ng ibang mga national societies. Ang ibig kong sabihin e, hindi po mamamatay ang Philippine Red Cross kapag walang support ang gobyerno na pondo,” dagdag niya.
Pero maaari naman aniyang magsagawa ng post audit sa PRC kung saan pwedeng i-audit ng COA ang mga ahensya ng gobyernong nagbibigay ng donasyon sa kanila.
Dagdag pa ni Kapunan, handa ang PRC na magbigay kay Pangulong Duterte ng kopya ng annual reports hinggil sa mga aktibidad at financial status ng PRC na isinusumite rin nila sa International Federation of Red Cross and Red Crescent (IFRC) Societies sa Geneva, Switzerland.
“Every year, nagsa-submit po tayo ng annual report na subject sa audit ng federation. Ang ginagamit po ng federation ay napaka-reputable na auditing company ang KPMG. So, nasabi na namin na kung gusto ng presidente, bibigyan natin ng the same report na sina-submit natin sa federation for the information of the government,”pahayag ni Kapunan sa interview ng RMN Manila.