Hinimok ngayon ng Philippine Red Cross (PRC) ang Inter-Agency Task Force for Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na payagan na magsagawa ng medical examination para sa mga doktor at nurses kahit na may community quarantine.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Senator Richard Gordon, ginawa niya ang naturang hakbang upang magkaroon ng karagdagang mga medical professionals na mag-aasikaso sa mga may sakit.
Paliwanag ni Gordon ang COVID-19 pandemic ay nagdulot ng matinding dagok sa bansa kung saan higit na kailangan ang mga doktor at nurses dahil marami na ang mga taong nasasawi dahil sa COVID-19.
Ikinukonsidera rin ng senador na payagan ang mga medical examinees na magtrabaho sa healthcare facilities para alagaan ang mga pasyenteng may COVID-19, habang nakabinbin pa ang resulta ng kanilang pagsusulit.