Pananatilihin ng Philippine Red Cross (PRC) ang pagpapatupad ng kanilang “three-point strategy ” na makakatulong sa pagkontrol ng epidemya ng dengue.
Ito ay ang paglalagay o deployment ng medical tents sa mga overcrowded hospitals, sapat na supply ng dugo gayundin ang pag-mobilize ng 143 red cross volunteers na tututok sa clean-up efforts.
Ayon kay Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon, pinapalawak aniya ng PRC ang kanilang community volunteers network sa pamamagitan ng Red Cross 143 at Red Cross Youth Programs na layong i-monitor ang dengue at magpatupad ng clean-up efforts sa loob ng 400-meter radius kung saan sila natagpuan.
Ang totoo aniyang solusyon sa dengue ay ang massive clean-up.
Kaugnay nito patuloy ang counter-dengue operation ng PRC matapos ideklara ng Department of Health (DOH) na national epidemic na ang dengue.
Tiniyak nito ang kanilang kahandaan na magpadala ng supply ng blood products sa mga komunidad na may mataas na kaso ng dengue at deployment ng maraming medical tents.
Pinakahuling ulat ng PRC, aabot na sa 1,055 pasyente ang sumailalim na sa medical treatment sa tulong ng kanilang walong emergency medical tents lalo na sa Iloilo, Capiz at Aklan.
May binuksan na rin silang PRC 60-bed medical tent sa pagamutang bayan ng Dasmarinas sa Cavite kung saan nakapagtala ng 3,277 dengue cases.