Uumpisahan na ng Philippine Red Cross (PRC) ang paggamit ng saliva-based testing para sa COVID-19.
Ito ay matapos aprubahan ng Department of Health (DOH) ang paggamit nito.
Ayon kay PRC Molecular Laboratories Head, Dr. Paulyn Ubial, humarap sila sa COVID laboratory expert panel ng DOH noong January 20 at naging maganda ang kanilang feedback.
Inirekomenda ng panel ang saliva-based testing kay Health Secretary Francisco Duque III na siyang naglabas ng sulat para kay PRC Chairperson Senator Richard Gordon na maaaring nang magsagawa ang Red Cross ng testing gamit ang saliva samples sa RT-PCR machine.
Ang PRC ay nakapagsumite ng 1,080 samples mula sa pilot testing sa Health Department.
Ang saliva COVID-19 test ay magiging available lamang sa Mandaluyong City at Port Area PRC Manila Molecular Laboratories.
Sa susunod na buwan inaasahang magkakaroon na rin ng saliva testing sa 13 molecular laboratories sa buong bansa.
Ang saliva COVID-19 test ay nagkakahalaga ng ₱2,000, mas mura kumpara sa gold standard na RT-PCR swab test.