Kinalampag ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza ang Bureau of Customs na mahigpit na magpatupad na ng pre-inspection sa mga dumarating na containers mula sa ibang bansa.
Ito ay bunsod na rin ng pangamba na gawin nanamang tambakan ng basura ang Pilipinas ng ibang mga bansa lalo pa’t naghahanap ngayon ng mapagdadalhan ng kanilang mga basura ang mga bansa sa North America at Europe matapos na ipagbawal na ng China ang importasyon ng mga used plastics at recyclables mula sa nasabing mga kontinente.
Giit ni Atienza, dapat na magpatupad na ng compulsory pre-shipment inspection (PSI) ang BOC upang matigil na ang importasyon ng mga kontrabando na naglalaman ng basura o kaya ay iligal na droga mula sa ibang mga bansa.
Sa ilalim ng pre-shipment inspection ay susuriin at beberipikahin na ng third party surveyors ang shipment details ng isang container bago pa man ito makalabas sa bansang pinanggalingan.
Sa kasalukuyan ay inoobliga lamang ang pre-inspection sa mga bulk at break-bulk cargo o commodities na liquid, granular o particulate form tulad ng krudo, petrolyo, grain, coal at iba pa.