Pre-registration para sa National ID, posibleng simulan sa Oktubre – NEDA

Posibleng simulan na ang pre-registration process para sa National ID System sa Oktubre bilang paghahanda sa mass registration.

Nabatid na sinimulan na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang door-to-door pre-registration process para sa Philippine Identification System (PhilSys) nitong Hulyo na layong paikliin ang oras na ginugugol ng mga nagpaparehistro sa mga registration centers.

Sa ilalim ng sistema, kokolektahin ang pangalan, edad at iba pang demographic information mula sa mga bahay habang ang biometric information tulad ng fingerprints, iris scans at front-facing photographs ay kukunin sa appointment date ng registration systems.


Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, ang PhilSys ay isang foundational ID system na layong mabigay ng valid proof of identity sa lahat ng mamamayan at resident aliens.

Palalakasin nito ang social protection at financial inclusion lalo na at patungo na ang Pilipinas sa isang inclusive digital economy.

Makatutulong din ito sa mga low-income families na magbukas ng bank accounts.

Mas mapapadali na rin ang government transactions.

Kapag natapos ang registration ng limang milyong household heads ngayong taon, target ng PSA na maiparehistro ang 40 milyong indibidwal sa susunod na taon.

Facebook Comments