Manila, Philippines – Itinutulak ngayon sa Kamara na gawing compulsory ang pre-shipment inspection ng mga kargamento para hindi na maulit ang nangyaring paglusot ng 6.4 billion shabu.
Sa House Bill 6220 na inihain ni Deputy Minority Leader at Buhay Rep. Lito Atienza, bago pa ibyahe ang mga kargamento sa bansang pinagmulan nito ay susuriin na ang laman at halaga ng lahat ng imports bago pa dumating sa Pilipinas.
Sa ganitong paraan, maiiwasan anya ang pagpasok sa bansa ng iligal na droga at iba pang kontrabando.
Naniniwala si Atienza na ito rin ang solusyon para matigil na ang smuggling at corruption sa Bureau of Customs.
Sinabi pa ng kongresista, beneficial rin ito sa lahat dahil bukod sa tataas ang koleksyon ng gobyerno, hindi na rin kailangang maglagay ng mga lehitimong importers sa mga tiwaling tauhan ng Customs para mapabilis ang kanilang shipment.
Una nang nabulgar ang tara system sa BOC o suhulan sa gitna ng imbestigasyon sa drug smuggling na ginawa ng Mababang Kapulungan.